Thursday, April 9, 2015
Lumbay (Pasintabi Kay Rolando Tinio)
Kung minsan, ang lumbay
ay biglaan kung manakmal
at magpuslit ng ligaya,
gaya ng pusang
nanakmal at nagpuslit
ng hapunan mong pritong tilapia
kani-
kanina lang.
Hindi mo ito magawang sawayin
o sipain, hampasin, bitagin
dahil mahal mo rin ang lumbay
tulad ng pagmamahal mo
sa pusang iyong alaga.
Matiyaga mo na lang itong minasdan
nang may pagmamahal
(kung di man kaunting pagkainis)
habang
unti-
unti
nitong
ginugutay
at nilulunok
ang bagong prito mong
kaligayahan.
Mahal mo ang lumbay.
Ito ang pusang nagtuturo sa iyong
bantayan at pahalagahan
ang anumang ligayang
nakahain sa iyong harapan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment