Tuesday, April 21, 2015
Ulan (Pasintabi uli sa isang istatus post ni Ser Aris Remollino)
Kanina pa kitang hinihintay.
Nakahanda na ang tinapay
at kapeng
pang-
meryenda.
Pero hindi ka nagtagal
para makibalita
at makipagkwentuhan.
Sumilip ka lang--
ni hindi ka kumaway.
Iniwan mong walang-laban
sa salakay ng mga langgam
ang meryendang
tinapay
at
unti-
unti
nang
duma
dapo
ang
lamig
sa
kapeng
nag-
aabang
sa ibabaw ng lamesang
naghihintay sana
sa iyo.
Gabi, Umaga, Sinigang (Pasintabi sa isang istatus post ni Ser Aris Remollino)
Sawa na ako
sa laging hain na sinigang
na may timplang
buwan,
bituin,
at itim na langit.
Maiba naman tayo.
Malamig ang gabi,
at ako itong
nag-
iisa
sa
silid
at
walang
ibang
kayakap
kundi
unan
at
kumot.
Gusto ko namang
makatikim
ng sinigang
na may timplang
araw,
ulap,
at bughaw na langit.
Thursday, April 9, 2015
Lumbay (Pasintabi Kay Rolando Tinio)
Kung minsan, ang lumbay
ay biglaan kung manakmal
at magpuslit ng ligaya,
gaya ng pusang
nanakmal at nagpuslit
ng hapunan mong pritong tilapia
kani-
kanina lang.
Hindi mo ito magawang sawayin
o sipain, hampasin, bitagin
dahil mahal mo rin ang lumbay
tulad ng pagmamahal mo
sa pusang iyong alaga.
Matiyaga mo na lang itong minasdan
nang may pagmamahal
(kung di man kaunting pagkainis)
habang
unti-
unti
nitong
ginugutay
at nilulunok
ang bagong prito mong
kaligayahan.
Mahal mo ang lumbay.
Ito ang pusang nagtuturo sa iyong
bantayan at pahalagahan
ang anumang ligayang
nakahain sa iyong harapan.
wansapanataymderwaseylabistori
Hindi ito kwento ng puso ko, pero maaaring kwento ito ng puso mo.
(Maaari namang hindi, o maaaring hindi mo aaminin. Okey lang naman din
yan.)
Minsan niyaya ka ng isang kaibigan na uminom sa
isang maliit na tahanan malapit sa University Hotel (dating PCED) sa UP
Diliman. Doon mo siya nakilala. Tinitigan ka niya habang nag-aalok ng
isang basong empe lights. Mata sa mata mong sinuklian ang kanyang titig
habang inaabot ang basong alok sa iyo. Mayumi ang kanyang tinig.
Si Josie Sa Tekken
Ganito ang eksenang tatambad sa mga mata mo: nakapiring ang mga mata ni Josie Rizal at nasa loob siya ng isang kotseng nagpapasikot-sikot sa mga kalye ng Istanbul. Nakatali ang kanyang mga binti at bisig. Nag-aalala ka para kay Josie pero alam mong eidetic ang memory niya at kabisado ang pasikot-sikot ng mga kalye sa Istanbul kaya saan man siya mapadpad sa dulo ng tila mahaba niyang paglalakbay ay makakahanap siya ng paraan para tumakas at balikan ang mga tinamaan ng lintek na nangidnap sa kanya.
Sa gitna ng lahat ng pagmumunimuni mong ito, magugulumihanan ka. Mararamdaman mong para kang si Jao Mapa sa pelikulang MISSTAKEN at lahat ng nasa paligid mo'y niloloko ka lang pala, kasama ang baliw na second-person narrator na kasalukuyang nalilipasan ng gutom habang sinusulat ang mga katagang ito.
Subscribe to:
Comments (Atom)